Wednesday, January 04, 2012

Kababalaghan sa Aming Simbahan



Bata pa lang ako, paulit-ilit ko ng naririnig ang tungkol sa kababalaghang nangyayari sa simbahan namin. Marami ng pastor ang dumaan sa amin na naeksperyensiya ng mga ganitong bagay at pare-pareho lang ang naririnig kong kuwento mula sa kanila.

Isang gabi, mahimbing daw ang tulog ng pastor sa parsonage nang magising siya ng isang ingay na nagmumula sa loob ng simbahan. Bumangon siya para alamin kung ano ang ingay na iyon. Mula sa maliit na butas ng bintana ng simbahan, sinilip niya doon kung ano ang nasa loob nito.

Hindi siya makapaniwala sa kanyang nakita. Isang lalaki na walang ulo ang naglalakad pababa sa hagdan ng altar habang hila-hila nito ang kadenang nakagapos sa paa.

Ikinuwento niya ito sa presidente ng aming simbahan kinaumagahan. Ngunit hindi ito naniwala sa kanyang sinabi. Baka guni-guni lang daw niya iyon.

Nakaranas rin ang isa pang bago naming pastor sa unang gabi niya sa simbahan. Pasado alas-diyes na raw. Naghahanda na siya para matulog nang biglang may kung ano’ng bagay ang napakalakas na humampas sa pintuan ng parsonage. Kumabog ng husto ang dibdib niya. Nag-umpisang namuo ang takot sa puso niya. Wala siyang balak na buksan ito kung sino man ang nasa labas.

Naghihintay siyang hahampas ulit ito ngunit hindi na naulit. Pinabayan na lamang niya iyon at humiga na lang. Nandoon pa rin ang pagkabahala niya.

Nakatulog na sana siya ng magising siya ng mahinang katok mula sa pintuan. Bumangon siya para buksan ito ngunit nagdalawang-isip siya.

“Sino ‘yan?” tanong na lamang niya.

Ngunit walang sumasagot.

Muling kumatok na naman. At doon na siya nagdesisyong buksan na lang ito.

Guide me, Lord! Sabi ng isip niya.

Pagbukas niya ng pinto, wala siyang nadatnang tao. Pero napasigaw siya nang may humagis sa harapan niya ng isang duguang bibliya. Sa matinding takot, isinara niya kaagad ang pinto at ini-lock ito.

Ikinuwento niya ito kinabukasan sa amin pagkatapos naming magpraktis ng choir. Kasama ko ang mga young people at ibang miyembro ng simbhan namin. Doon ko na rin unang narinig ang tungkol sa nakita ng dati naming pastor. ‘Yong pugot na humihila ng kadena.

Hindi lang ang mga pastor namin ang nakakaranas ng ganitong mga kababalaghan dahil minsan ang kapwa ko young people na si June (hindi tunay na pangalan) ay natulog sa parsonage. Wala noon ang pastor namin, umuwi sa kanila. Nakahiga si June sa kama ng isa sa kuwarto ng parsonage. Sumigaw siya ng sumigaw ng biglang gumalaw ang hinihigaan niya. Parang nilalaro siya nito.

Matagal daw iyon bago huminto. At dali-dali siyang lumabas sa parsonage at umuwi sa bahay nila. Hindi na siya doon natulog sa parsonage.

Doon na ako naniwala sa mga kuwento ng mga pastor at ng mga kaibigan ko na nakaranas na rin nang mismo ay maranasan ko na rin ang totoong nangyayari.

May camp noon sa simbahan namin. Nang gabing iyon ay nagme-meeting kaming mga officers nang makarinig kami ng kung ano’ng ingay na nagmumula sa CR. Binaliwala lang iyon ng mga kasama ko. Ngunit dahil sa pagtataka, pinuntahan ko ang CR ng mag-isa. Nakasara ito. Kinatok ko kung may tao, pero walang sumasagot.

Tinulak ko ang pinto ngunit hindi mabuksan, naka-lock yata.

Naghanap ako ng butas na puwedeng masilipan ay may nakita ako. Sinilip ko ‘yon. Biglang nanginig ang buo long katawan. Napakalakas ng kabog ng dibdib ko. Ang bilis ng panginginig ng mga tuhod ko. Hindi ko magawang sumigaw  dahil hindi ko magalaw ang bibig ko. Nabalot ng lamig ang buo kong katawan.

Pagkasilip ko nakita kong sumilip rin sa akin ang babaeng duguan.

Napag-usap na rin nab aka hindi pa nabindensyonan ang parsonage naming kaya kung anu-ano ang mga nagpapakita.