Monday, November 05, 2012

Error: How to Fix Windows Defender


Minsan na ako nakaranas ng error nang binuksan ko ang Windows Defender (WD) ng laptop ko. Ilang beses kong sinubukan na buksan ang Windows Defender ngunit gano’n pa rin ang resulta. It pops up a window with an error "0x800106ba".Hindi ko alam kung paano ayusin, hanggang sa naisipan kong mag-explore ng mag-explore at hanggang sa naayos ko ang error na palaging lumalabas.

Natuwa ako sa nagawa ko dahil alam ko na ngayon kung paano ayusin ang Windows Defender Error.

Kayo, kung makakaranas kayo ng ganitong problema just follow the path:

Control PanelAdministrative toolsServices.

Locate Windows Defender and double click it. Select "Startup Type" as Automatic. Then click "Log On" tab,  click "Local System Account" and check the only check box available.

Click the "Recovery" tab and make sure Windows Defender tries atleast two time to start, you can understand from the information you see there.

Now, click the "General" Tab and click "Start".

Wednesday, October 10, 2012

Ang Bakasyon ni Reigh sa Probinsya


Tahimik si Reigh habang nakasakay sila ni Maya sa isang pampasaherong jeepney. Nakaupo sila sa taas na bahagi ng sasakyan dahil hindi na kasya at nagkasiksikan na sa loob. Mahigpit ang pagkakahawak niya sa bakal sa takot na baka siya ay mahulog. Ito ang kauna-unahang sumakay siya sa jeepney at sa malas niya ay sa taas pa sila nito pinasakay ng konduktor.
Ito ang parusa ng daddy niya sa kanya. Ang daddy niya ang may ideya na magbakasyon siya sa probinsya kung saan naninirahan ang kasama niyang si Maya, na anak ng matagal na nilang katulong. Galing siya sa mayamang pamilya. Sa ayaw niya at sa gusto ay pinagbakasyon siya ng daddy niya dahil masyado na siyang nagpapakasarap sa buhay niya sa lungsod. Hindi siya nag-aaral. Hindi siya nagpatuloy sa kanyang kolehiyo nang grumadweyt siya sa sekondarya. Tamad siyang mag-aral. Nasa ikatlong baitang na sana siya ngayon sa kolehiyo kung hindi siya tumigil. Para sa kanya, pag-aaksaya lang ng oras ang pag-aaral. Mas naisin pa niya ang magliwaliw kasama ang mga kaibigan niya, at iyon ang sa tingin niyang nagkakaroon ng saysay ang mga oras niya. Sabi nga ng iba, sa isang perpektong pamilya laging may black sheep, at siya ‘yon.
Mahigit dalawang oras na ang byahe nila at kanina pa sumasakit ang puwet ni Reigh sa matigas na bagay na inuupuan nila. Dagdagan pa sa walang tigil na pag-alog ng sasakyan dahil sa hindi na sementado ay lubak-lubak pa ang kalsada. Madamo rin ang gilid nito. Kung ilalarawan sila ng mabuti ay napapadaan sila sa mga malalaking punong-kahoy. Umakyat ang sasakyan sa mataas na bukid at paliko-likong daan na tinatawag daw na mini-Baguio. Parang papunta sila sa lugar na hindi man lang niya alam kung inaabot ng kuryente, ng wifi o ng cable channels.
“Maya,” aniya.
“Ano ‘yon?”
“May cable ba sa inyo?”
“Alam mo, Reigh, ni channel two nga pahirapan masagap do’n. Cable pa kaya? Syempre wala.” paliwanag nito.
Matanda siya ng tatlong taon kay Maya. Nag-aaral ito at ang kanyang mga magulang ang sumasagot sa matrikula nito. Matalino kasi ito at napakabait na anak. Madali niya itong napakisamahan dahil  kumportable ito kung makipag-usap sa kanya. Mabait naman siya rito kaya magkaibigan na rin turingan nila sa isa’t isa. Ito rin ang dahilan kung bakit ‘Reigh’ lang ang tawag nito sa kanya na dapat ay ‘sir’.
Tumahimik na lang ulit si Reigh. Hindi na siya nagtanong ulit dahil baka imbes na siya ang mambara ay siya pa ang barahin ni Maya. Naalala na lang niya ang huling pag-uusap nila ng daddy niya…
“Kailangan ko ba talagang gawin ‘to?” tanong ni Reigh.
“Yes, son.” simpleng tugon ng kanyang ama.
“Pero bakit kailangan sa probinsya pa? Eh, kung sa Amerika na lang kaya?” napangiti siya, nagbabasakali siyang mapapayag niya ang daddy niya.
Nag-isip ang daddy niya.
“Ano sa palagay niyo?” tanong niya ulit.
Ngumiti ang daddy niya. “Hindi.”
Napabuntong-hininga siya.
“Mag-impaki kana at iwan ang laptop at cellphone mo.” sabi ng daddy niya bago ininom ang laman na alak mula sa hawak nitong maliit na kupeta.
“Ano? Dad, hindi puwede. Nakikiusap ako, don’t kill me.” pagmamakaawa niya.
“Kill you?”
“Para mo na rin ako’ng pinatay kapag tinapon mo ako do’n sa Capiz na ‘yon. Maraming aswang do’n.”
“At sino naman nagsabi sa’yo na maraming aswang sa Capiz?” 
“Ayon sa sabi-sabi.” sagot niya. “At isa pa, ni wala nga akong kilala do’n.”
“Ano pang ikinababahala mo? Kasama mo naman si Maya.”
Nahinto siya sa kanyang iniisip nang biglang may humawak sa balikat niya. Tumigil na ang sinasakyan nila at maraming bumababa.
“Tara, bumaba ka na. Nandito na tayo.” anyaya ni Maya sa kanya.
Medyo madilim na ang paligid. Huling sasakyan na kasi ang inabutan nila kaya talagang aabutin sila ng takip-silim bago makarating. Sa isang liblib na lugar sa bayan ng Cuartero sa Capiz ang inuwian nila.
Isa itong lumang bahay na yari sa kahoy na mukhang itinayo pa noong panahon pa ng mga kastila. Maliit nga lang. Napaligiran ito ng hindi kataasang bakod na yari sa kawayan. Medyo malayo ang agwat nito sa ibang bahay. Tahimik at payapa.
Binuksan ni Maya ang gate at pumasok sila sa loob. Medyo masikip sa loob. Maayos naman tingnan ang salas kahit maliit. Mayroong radyo na nakapatong sa isang maliit na mesa.
“Alam mo, sa sobrang tahimik ng lugar niyo, baka mas lalo pa akong tamarin dito.” sabi ni Reigh.
“Hindi ‘yan. Maraming puwedeng gawin dito.” sagot naman nito.
“Tulad ng?”
“Tulad ng maligo sa—”
“Sandali lang. Tayong dalawa lang ba ang tao rito?” putol niya sa gustong sabihin sana nito nang mapansin niyang tila wala silang ibang kasama sa bahay.
“Mamaya rin dadating na sina Lola at ate Pia. Siguro may pinuntahan lang ang mga ‘yon.” paliwanag naman nito.
Minsan nang naikwento ni Maya kay Reigh ang tungkol sa ate niya. Kaya hindi na nagtaka si Reigh kung sino ang ate Pia na binanggit niya. Halata rin naman na gusto niya iyon makilala.
Pagkatapos ituro sa kanya ni Maya kung saan ang magiging kwarto niya ay pumasok na siya dito. Naglalaman ito ng isang maliit na kama, katabi nito ang antigong lalagyan ng mga damit sa sulok. May bintana din sa gilid nito. Pagod siya sa byahe kaya gustong-gusto na niya magpahinga.
Habang lumalalim na ang gabi ay hindi pa rin siya makatulog. Hindi siya sanay sa matigas niyang hinihigaan. Wala kasi itong malambot na sapin, hindi tulad ng kama niya sa bahay nila. Wala siyang maririnig kung hindi huni ng mga palaka at iba’t ibang insekto. Alas noybi y medya na nang tumingin siya sa relong suot niya.

 Maagang bumangon si Reigh at lumabas ng kwarto niya dahil hindi naman siya nakatulog ng maayos. Hinintay lang niya na sumikat si Haring Araw. Nagtungo siya sa kusina, kumpleto sa mga gamit mula sa mga plato, baso, kutsara, kawali at iba pa. Ang lutuan nito ay kailangan gamitan ng panggatong o uling. May isang maliit na pinto, sa tingin niya ay isa iyong banyo.
“Maya?” tawag niya.
“Ay wala siya, hijo. Inutusan ko muna na bumili.” sagot ng babaeng matanda.
“Kayo po ba ang lola niya?”
“Oo,” ngumiti ang matanda sa kanya. “Ikaw ang sir niya, hindi ba?”
“O-opo. Pero, Reigh lang po ang gusto kong itawag niya sa akin dahil ako naman po ang may gusto. Kaibigan na rin kasi ang turing ko sa kanya.” napakamot siya sa ulo, kahit papano’y nahiya.
Mabait na anak si Reigh ngunit tamad nga lang.
“Gano’n ba? Alam mo, mabait na bata ‘yang apo ko na ‘yan.”
“Oo nga po, eh. Kaya naging malapit kami agad sa isa’t isa.” sabi naman niya. “Sige po, lalabas po mo na ako. Do’n ko na lang po siya hihintayin sa labas.”
Tumango lang ang matanda at umalis na siya. Paglabas niya sa bahay ay may nakita siyang duyan na nakasabit sa punong mangga na gawa sa kariton ng sasakyan.
“Ayos ‘yon, ah.” natutuwang sabi niya. Nilapitan niya ito at sumakay.
“Maganda ba?” sabi ng boses babae mula sa kanyang likuran.
Nilingon niya ito. Isang magandang babae ang kanyang nasilyan. Maganda nga naman talaga ang ate ni Maya ayon naman sa kwento nito sa kanya dati pa.
“Oo.” Nginitian niya ito. “Ikaw ba ang nakakatandang kapatid ni Maya? Ako nga pala si Reigh.” Tumayo siya at inilahad ang kamay para makipag-kamay.
“Ako si Pia.” At nakipag-kamay ito sa kanya.
Ngumiti siya. “Madalas kang ikwento sa akin ng kapatid mo.”
“Talaga? Bakit naman?”
“Ewan ko. Maganda ka raw kasi, eh. At hindi nga siya nagkamali. Maganda ka nga.”
Napangiti na rin si Pia. “Si Maya talaga. Sige, maiwan na kita.”
Naiwan si Reigh. Pumasok si Pia sa loob ng bahay. Pagkalipas ng ilang minuto ay dumating naman si Maya. May dala itong plastik na hindi naman alam ni Reigh kung ano ang nilalaman niyon. Suminyas ito sa kanya na papasok muna ito sa bahay at dadalhin sa lola nito ang dala.
Kaya habang naghihintay siya na balikan siya ni Maya ay dinama niya muna ang hangin na kung saan mayroong malinis at presko na nalalanghap niya at dumadampi sa kanyang balat na nagbibigay ng masarap na pakiramdam. ‘Yan ang hindi niya nadama sa lungsod.
“Mukhang napasarap yata ang paglanghap mo ng hangin, ah.” buhat naman sa kanyang likuran. Si Maya.
“Cool din pala ng lugar niyo ‘no. Tahimik.”
“Oo. At sigurado ako na makakapag-isip ka rito.” sumakay ito sa isa pang duyan.
“Ano naman ang iisipin ko?”
“Tulad ng kung bakit kailangan mo ng mag aral, kung bakit hindi mo ako—“ natigilan si Maya.
“Tuloy mo lang.” sabi ko.
“Wala.”
Tinitigan niya si Maya.
“Tara na. Pumasok na tayo. Baka nakahanda na ang almusal.” Naiilang niyang sabi. Tumayo ito at pumasok sa bahay.

Kinabukasan, hindi pa sumisikat ang araw ay ginising na siya ni Maya. May pupuntahan daw silang malayo. Maglalakad lang sila. Ayaw niya sanang sumama dahil gusto pa niyang matulog ngunit pinilit siya nito hanggang sa pumayag na rin siya. May ipapakita raw ito sa kanya.
Gubat ang kanilang dinaanan. May nakakasabay pa silang mga magsasaka, mangangahoy at mga maangangaso.
Dinala siya ni Maya sa isang tagong batis. Napakalinaw ng tubig at kitang-kita niya ang mga isdang nag-uunahan sa paglangoy. Hindi naman napigilan ni Reigh ang mapamura sa sarili.
“Ang ganda. Walang ganito sa lungsod.”
“Sabi sa’yo, eh.”
Sa sobrang tuwa ni Reigh ay nilaro niya ng kanyang kamay ang tubig. Umupo siya sa may batuhan at nilublob ang mga paa niya sa tubig at binasa si Maya. Naghabulan sila habang unti-unti na silang nababasa pareho. Naglakad sila sa batong dinadaluyan ng malinis na tubig. Nang biglang madulas si Maya.
“Oy!” buti na lang nasalo siya agad ni Reigh. “Mag ingat ka, Maya.”
Agad namang bumitiw si Maya dahil sa sitwasyon nilang dalawa. Napahiya siya. Nang makabawi ay nagsalita ito.
“Reigh,” tumingin lang ito sa kanya, “sana pagbalik mo sa lungsod magkaroon ka na ng interes mag-aral.”
Nagulat siya sa sinabi ni Maya. Tapat ang loob nito sa sinabi. May concern. Hindi ito katulad no’ng una nitong sabihin habang nasa duyan silang dalawa.
“Paano kung ayoko?”
“Ewan. Siguro, baka mamatay na ang papa mo sa sama ng loob.”
“Mamatay? Grabe naman.”
Tumayo si Maya at iniwan siya.

Lumipas ang ilang araw, hindi siya kinikibo ni Maya. Hindi siya nito kinakausap. Ni tingin wala. Nakita niya itong lumabas ng bahay at naglakad. Sinundan niya ito. Papunta na naman ito sa batis.
“Reigh.” biglang tawag nito sa kanya. Alam na pala nitong sinusundan niya ito kanina pa. “Bakit mo ba ako sinusundan?”
“B-bakit? Ikaw lang ba puwedeng pumunta dito?”
“Hindi.”
“Hindi naman pala, eh. So puwede rin ako dito.” ngumiti si Reigh at nang-asar pa. Umalis si Maya at iniwan naman siya.
“Sandali lang.” hinawakan niya ito sa kamay. “Galit ka ba sa akin, Maya?”
“Nakakainis ka kasi, eh.” parang gusto na nitong umiyak.
“Bakit naman?”
“Pakiramdam ko kasi parang nahuhulog na ako sa’yo.” prangka nito.
Nagulat siya. Si Maya may gusto sa kanya? Hindi niya gustong maniwala, marahil ay nagbibiro lang ito sa kanya. “Totoo ba ‘yon?”
“Malamang. Kaya nga lumalayo ako di ba? Para hindi na lumala.” At tuluyan na siya nitong iniwan.
Siya naman ay parang tangang nakatayo na nanatiling nakatayo habang lumalayo ang kausap.

Sa daming araw na lumipas wala siyang ibang ginawa kundi tingnan si lang si Maya. Hindi pa rin siya makapaniwala. Parang panaginip lang lahat.
“Hi,” bati ni Reigh kay Pia sabay akbay dito. Habang nakasakay ito sa duyan.
“H-hi.”
“Puwede ba kitang ligawan?”
“A-ano?” gulat na tanong ni Pia.
“Oo o hindi?” seryosong wika niya. Unang kita pa lang niya rito ay gusto na niya itong ligawan kaya lang natatakot siya. Pero ngayon ay naglakas loob na rin siya para rito.
“Oo.” ngumiti si Pia. “Ang totoo niyan, crush din naman kita.”
Nagulat sila nang biglang may tumikhim. Nasa pinto na pala ng bahay si Maya. Masakit ang loob na nakatingin sa kanila.
“O, Maya, nandyan ka pala.” Puna lang ni Reigh.
“Ngayon wala na.” umalis ito kasabay ng pagpunas ng mga luha nito.
Inalis niya ang pagkaka-akbay kay Pia. “Sandali lang, ha. Babalik ako. Kakausapin ko muna siya.” At hinabol niya si Maya.
“Maya, sandali!”
“Ano? Aasarin mo ako?”
“Pasensya na.” na-guilty siya sa ginawa niya.
“Wag mong pag-trip-an ang ate ko.”
“Hindi ko naman siya pinagti-trip-an, a?”
“Sus! Hindi raw. Kilala kita.”
“Kilala rin kita, hindi ka agad nagmamahal. Bakit mo ako minahal?”
“Wala ka na do’n.”
“Hindi puwedeng wala. E, ako ‘yong mahal mo, e.”
“Ewan ko sa’yo.”
Simula no’ng usapan na ‘yon hindi na niya tinuloy ang panliligaw kay Pia. Kinausap niya ito ng maayos at naintindihan naman nito ang sinabi niya. Paghanga lang naman pala ang naramdaman niya kay Pia. Hindi pagmamahal. Dahil mayroon ng mahal ang puso niya?
Nakita niya si Maya na umiiyak. Kakababa lang nito ng selpon nito.
“Ayos ka lang?” tanong niya.
“Oo naman.” ngumiti ito.
“Wag ka na umiyak. Ngiti na.” pinunasan niya ang luha nito.
“Bakit?”
“Ano’ng bakit?”
“Bakit hindi mo na ako binabara?”
“Simula kasi nang ma-realize kong may puso ka rin pala, na-guilty ako sa mga pambabara ko sa’yo noon. Sorry, ha?”
“Sus! Sanay na ako sa’yo sir. Kung hindi naman dahil do’n hindi tayo naging magkaibigan, e.” napangiti si Maya.
Sir? ‘Wag nga sir. Sinabi ko namang Reigh na lang, di ba?”
“Sana, Reigh, pagbalik mo, mag aral ka na.”
“Opo.”
“A-ano?”
“Opo.” ngumiti si Reigh.
“Mag-aaral ka na?”
“Unli? Oo nga.” ngumiti ulit ito. “Kulit mo naman, e.”

Dumating ang araw na kailangan na nilang umuwi sa lungsod. Tapos ng mag-impaki si Reigh ng mga gamit niya. Pero si Maya ay nasa kusina lang. Maraming ginagawa.
“Maya, bakit hindi ka pa nag-impaki?” tanong niya.
“Hindi ko na kailangan umalis.” malungkot nitong sabi.
“Pero, di ba kasama kita pabalik?” nagtataka siya.
“Hindi na, Reigh.”
Biglang nalungkot si Reigh. Hindi niya alam kung bakit, pero pumasok na lang sa isip niya na parang huwag na rin siguro siya umalis ng hindi ito kasama. 
“Iiwan mo ako?” si Reigh.
“Patawarin mo ako.”
“Akala ko ba, mahal mo ako?”
“Akala ko rin. Pero hindi kita mahal.”
Nagulat siya sa sinabi ni Maya. Gusto niyang magalit at magtampo. Masakit ‘yon pakinggan. Parang piniga ang puso niya.
“Hindi? Sige, bahala ka. Maiwan ka dito.” Matigas na sabi niya, at kinuha ang bag na laman ng mga damit niya.
Palabas na siya sa pinto ng bahay nang lingunin niya si Maya.
“Mahal pa naman kita.” at tuluyan na itong umalis. Mabigat ang dala, ang sakit sa puso.
Bumalik siya sa lungsod. Nakalimutan niya ang mga masasayang araw niya sa probinsya. Malungkot at matamlay ang pakiramdam niya. Habang binabalik naman ng katulong ang mga damit niya sa lalagyan ng mga gamit, may nakita itong sulat sa loob ng bag.
“Sir, para yata ‘to sa inyo.” sabi ng yaya nila, na ina ni Maya. Alam na rin nito ang hindi pagsunod ni Maya kay Reigh sa pagbalik.

Reigh,

Sana hindi ko na lang sinabi na may gusto ako sa’yo. Sana hindi na lang ako nagtapat. Sana pinigilan ko na lang ang sarili ko.
Kung magagalit ka man, siguro kasalanan ko na ‘yon. Hindi na ako pinabalik ng papa mo dahil nagsumbong si Ate Pia na may gusto ako sa’yo. At hindi tayo bagay. Tama si Sir, e. Langit ka, lupa ako.
Naaalala mo ‘yong araw na nakita mo akong umiiyak? ‘Yon ‘yong araw na pinalayo ako sa’yo ni Sir. Sir Reigh, mahal naman kita, e. Kaso bawal ‘yon, mali ‘yon, hindi puwede. Sorry.
Isa lang ang hiling ko, mag-aral ka. Sapat na ‘yon.
                                                                       
          Maya

Alam niya sa sarili niya na mahal niya rin si Maya. Alam niya na inaasar niya ito kasi ang cute itong ma-pikon. Alam niyang niligawan niya si Pia para magselos si Maya. Alam niya lahat, pero hindi lang niya inaamin.
Dumating ang pasukan at pumasok na nga siya. Nagsikap, at nag-aral  siya ng mabuti hanggang sa nakapagtapos na siya. Ikinatuwa naman iyon ng kanyang ama.
“Congrats, anak. Sa wakas nakatapos ka na rin.”
Dahil para kay Maya ang lahat ng ‘to. Sabi niya sa kanyang sarili.
Siya si Reigh Macabasbas. Nagtapos ng kursong Business Administration. Komplikado na ang buhay niya ngayon. Kung dati gigising lang siya para masabing nagising nga siya, ngayon hindi na. Gumigising siya para kay Maya.


Ang MAIKLING KWENTO na ito ay isang lahok sa ika-apat na
Saranggola Blog Awards 2012 na may temang "Lakbay."