
Naranasan
mo na bang mainis sa sarili mo dahil hindi mo na nagagawang tapusin ang iyong
mga takdang-aralin at mag-aral para sa mga pagsusulit, sapagkat hindi mo
maiwasan ang mga tukso na bisitahin ang iyong Facebook account at tingnan ang mga pinakahuling notifications? May mga
pagkakataon ba kung saan sinisisi mo ang Facebook
sa iyong mga mababang marka sa paaralan dahil ito'y nagiging sagabal na sa
iyong pag-aaral tuwing gabi? Ang mga ito ay iilang katanungang makatutulong sa
mga estudyante na matanto ang mga masasamang epekto ng Facebook sa kanilang
pag-aaral.
Ang Facebook ay isa sa mga
kilalang Social Networking
Sites sa kasalukuyang henerasyon na malawakang ginagamit ng
mga tao sa buong mundo. Kahit saan man tayo pumunta, lahat ng taong
nakakasalamuha at nakikilala natin ay may kanya-kanyang account sa mga Social Networking Sites na
ito. Kung kaya’t pati na ang mga mag-aaral mula sa elementarya, hayskul, at
kolehiyo ay naiimpluwensiyang magkaroon ng sariling account at makibagay sa
uso. Ngunit nakaaapekto ba ang mga Social
Networking Sites sa edukasyon o pag-aaral ng mga estudyante?
May mga naidudulot ba itong masasamang epekto sa kanila?
Ang
mga Social Networking Sites na
ito ay nagiging libangan na ng mga mag-aaral at minsan ay nagiging parte na ng
kanilang pamumuhay. Hindi nila nakakalimutang buksan ang kanilang account bago pumunta sa
paaralan, pagdating sa bahay galing eskwelahan, habang kumakain, habang
nag-aaral, habang gumagawa ng takdang-aralin, at bago matulog. Paulit-ulit nila
itong ginagawa at hindi pa rin sila nagsasawa. Habang tumatagal, mas madalas na
ang pagbukas nila ng kanilang account.
Sa gawaing ito, hindi maiiwasan ang mga epekto ng Social Networking Sites sa
kanilang pag-aaral. Ngunit hindi naman lahat ng mga epekto nito ay masasama.
Parehong may magaganda at masasamang dulot ang mga Social Networking Sites sa
pag-aaral ng mga estudyante. Nagagawa nilang magtanong sa kanilang kaklase
tungkol sa mga takdang-aralin. Maaari silang humingi ng tulong sa isa’t isa sa
paggawa ng takdang-aralin sa pamamagitan ng tinatawag na “chat”. Nakakakuha rin
sila ng kopya ng mga lektyur ng kanilang mga kaklase at guro. Nasasabihan din
sila ng mga mahahalagang anunsyo mula sa kanilang guro at kaklase na hindi
nasasabi sa loob ng klase. Ito ang mga mabubuting dulot ng Social Networking Sites sa
pag-aaral ng mga estudyante. Sa kabila ng mga ito, mayroon ding masasamang
epekto ang Social
Networking Sites. Hindi sila makatuon ng mabuti habang sila ay
nag-aaral at gumagawa ng takdang-aralin dahil sa antala na dulot ng Social Networking Sites. Sa
halip na gumagawa ng takdang-aralin at nag-aaral, mas inaatupag nila ang
paglalaro sa mga tinatawag na “applications”
at iba't ibang mga laro sa mga Social
Networking Sites, pag-chat, at
pagdaan sa tinatawag na mga profile ng
kanilang mga kaibigan. Kapag hindi nila mapigilan ang kanilang sarili sa
kakabisita sa mga Social
Networking Sites, at tumatagal na sa harap ng kompyuter,
nawawalan na sila ng oras para mag-aral at gumawa ng takdang-aralin. Bilang
epekto nito, sila ay umaakit sa tinatawag na “cramming” na makakasama para sa kanilang pagganap
sa paaralan dahil sa halip na makinig sa guro, ginagawa nila ang kanilang
takdang-aralin sa loob ng klase, at nag-aaral para sa ibang asignatura. Kung
kaya't maaari silang makatanggap ng mga mababang marka sa mga pagsusulit at
gawain sa eskwela.
Mula
sa aking mga nabanggit na mabubuting dulot ng tinatawag nating Social Networking Sites, mabuti
naman ito para sa pag-aaral ng mga estudyante ngunit kapag nasobrahan na ang
paglipas nila ng kanilang oras sa mga Social
Networking Sites, pumapasok na ang mga masasamang epekto ng
mga ito. Sabi nga nila, “Take
everything moderately.” Sa pamamagitan nito at ng paggamit nga
mga Social Networking
Sites sa tamang layunin, paraan, at oras ay maiiwasan ang
masasamang epekto ng mga ito sa pag-aaral ng mga estudyante.