Wednesday, August 15, 2012

Oh, Cramming!


Sa sobrang hirap ng buhay estudyante, hindi na rin maiiwasan na sa halip na mag-aral tayo sa weekends ay natutulog lang tayo. Kung hindi naman ay maaring nagdo-DOTA lang, nagsa-cyberstalk sa mga iniidolo nating mga K-pop group tulad ng Shinee, SuJu, kung hindi naman ay si Justin Bieber na sa kasamaang-palad ngayon ay nakakaranas na ng puberty. Maaring tayo ay nagtetext lang magdamag—(whoops, hinlalaki mo! Mukhang kinukubal na yata!). At paano ko nga ba makakalimutan ang karaniwang ginagawa ng mga estudyante? May klase man o wala, ay lahat nagla-log-in sa kani-kanilang mgaFacebook account upang tingnan kung na-confirm na ng crush mo ang iyong friend request, o kaya pinagkakaguluhan na ng iyong mga kaklase ang iyong DHDC* photo. Ilang saglit pa ay dadaan ka muna saglit sa facebook group ng iyong seksyon at bigla mong matutuklasan—patay, Linggo na ngayon, at mayroon pala kayong mahabang pagsusulit BUKAS, Lunes.
 
At isang salita na naka-ALL CAPS ang biglaang lumitaw sa iyong isipan—CRAMMING.
Dali-dali mong pinatay ang kompyuter at binuksan kaagad ang libro mo para makapagsimula ka nang magbasa. Pinipilit mo nang gawin lahat ng iyong makakaya upang maipasok na lahat ng pwedeng maipasok na impormasyon sa iyong utak, ngunit, kinabukasan—wala. Blanko. Kahit na magbigay pa ako ng payo at tips kung paano magiging epektibo ang pagka-cram ninyo, maiisip rin ninyo sa bandang huli na mas maganda pa rin na mag-aral ng mas maaga. Yung hindi ka na nagpa-panic at stressed out sa kaiisip na baka kinabukasan, lahat ng iyong pinag-aralan ay mauuwi lahat sa basurahan.
 
Laging tatandaan na hinding-hindi matatapatan ng cramming ang pag-aaral natin ng mas maaga. Siguro nga sabihin natin na tumalab ang cramming para sa’yo. Oo, maganda nga ang kinalabasan ng iyong pag-cram, pero ma-rerealize mo na mas may maigaganda at maibubuga pa sana ang iyong ginawa kung iyon ay nagawa at natapos mo ng mas maaga. Yung hindi ka nagmamadali. Parang pag-ibig lang yan, eh. Mas maganda at mas napapahalagahan mo ang isang relasyon kung pinaglaanan mo ng iyong oras at pinagtiyagaan mo nang husto—yung hindi ka nagmamadali.
 
 Subukan mo na hindi magpalamon sa imbitasyon ng CRAMMING sa iyo. Magugulat ka sa mga resulta. Mas relaks ka na tuwing may pagsusulit sapagkat alam mong pinag-aralan mo iyon nang hindi ka nagpapanic at mas makakatulog ka rin nang mahimbing. Try moe! 
 
*mga nakakababang-dignidad na mga litrato—in short, STOLEN PHOTOS (nadistorted mukha mo).

Tuesday, August 07, 2012

PANYO: a short film


Ang “Panyo” ng College of Teacher Education of Filamer Christian University ay isang opisyal na entry sa DUAG: 2nd Filamer Film Festival na pinanood noong Disyembre 2011, sa direksyon ni Ronald Garcimo, kasama sina Stephen Gialogo at Mihara Bulquerin bilang nangungunang tagaganap. Ang aming maikling pelikula ay humakot ng limang karangalan:

·         Best Pictures
·         Best Actress
·         Best Screenplay
·         Best Movie Soundtrack
·         Best Cinematography

--na lalong nagpa-pride and honor sa aming departamento dahil sa major awards na ito.

Masama bang mag-Facebook?



Naranasan mo na bang mainis sa sarili mo dahil hindi mo na nagagawang tapusin ang iyong mga takdang-aralin at mag-aral para sa mga pagsusulit, sapagkat hindi mo maiwasan ang mga tukso na bisitahin ang iyong Facebook account at tingnan ang mga pinakahuling notifications? May mga pagkakataon ba kung saan sinisisi mo ang Facebook sa iyong mga mababang marka sa paaralan dahil ito'y nagiging sagabal na sa iyong pag-aaral tuwing gabi? Ang mga ito ay iilang katanungang makatutulong sa mga estudyante na matanto ang mga masasamang epekto ng Facebook sa kanilang pag-aaral.
 
Ang Facebook ay isa sa mga kilalang Social Networking Sites sa kasalukuyang henerasyon na malawakang ginagamit ng mga tao sa buong mundo. Kahit saan man tayo pumunta, lahat ng taong nakakasalamuha at nakikilala natin ay may kanya-kanyang account sa mga Social Networking Sites na ito. Kung kaya’t pati na ang mga mag-aaral mula sa elementarya, hayskul, at kolehiyo ay naiimpluwensiyang magkaroon ng sariling account at makibagay sa uso. Ngunit nakaaapekto ba ang mga Social Networking Sites sa edukasyon o pag-aaral ng mga estudyante? May mga naidudulot ba itong masasamang epekto sa kanila?

Ang mga Social Networking Sites na ito ay nagiging libangan na ng mga mag-aaral at minsan ay nagiging parte na ng kanilang pamumuhay. Hindi nila nakakalimutang buksan ang kanilang account bago pumunta sa paaralan, pagdating sa bahay galing eskwelahan, habang kumakain, habang nag-aaral, habang gumagawa ng takdang-aralin, at bago matulog. Paulit-ulit nila itong ginagawa at hindi pa rin sila nagsasawa. Habang tumatagal, mas madalas na ang pagbukas nila ng kanilang account. Sa gawaing ito, hindi maiiwasan ang mga epekto ng Social Networking Sites sa kanilang pag-aaral. Ngunit hindi naman lahat ng mga epekto nito ay masasama. Parehong may magaganda at masasamang dulot ang mga Social Networking Sites sa pag-aaral ng mga estudyante. Nagagawa nilang magtanong sa kanilang kaklase tungkol sa mga takdang-aralin. Maaari silang humingi ng tulong sa isa’t isa sa paggawa ng takdang-aralin sa pamamagitan ng tinatawag na “chat”.  Nakakakuha rin sila ng kopya ng mga lektyur ng kanilang mga kaklase at guro. Nasasabihan din sila ng mga mahahalagang anunsyo mula sa kanilang guro at kaklase na hindi nasasabi sa loob ng klase. Ito ang mga mabubuting dulot ng Social Networking Sites sa pag-aaral ng mga estudyante. Sa kabila ng mga ito, mayroon ding masasamang epekto ang Social Networking Sites. Hindi sila makatuon ng mabuti habang sila ay nag-aaral at gumagawa ng takdang-aralin dahil sa antala na dulot ng Social Networking Sites. Sa halip na gumagawa ng takdang-aralin at nag-aaral, mas inaatupag nila ang paglalaro sa mga tinatawag na “applications” at iba't ibang mga laro sa mga Social Networking Sites, pag-chat, at pagdaan sa tinatawag na mga profile ng kanilang mga kaibigan. Kapag hindi nila mapigilan ang kanilang sarili sa kakabisita sa mga Social Networking Sites, at tumatagal na sa harap ng kompyuter, nawawalan na sila ng oras para mag-aral at gumawa ng takdang-aralin. Bilang epekto nito, sila ay umaakit sa tinatawag na “cramming” na makakasama para sa kanilang pagganap sa paaralan dahil sa halip na makinig sa guro, ginagawa nila ang kanilang takdang-aralin sa loob ng klase, at nag-aaral para sa ibang asignatura. Kung kaya't maaari silang makatanggap ng mga mababang marka sa mga pagsusulit at gawain sa eskwela.

Mula sa aking mga nabanggit na mabubuting dulot ng tinatawag nating Social Networking Sites, mabuti naman ito para sa pag-aaral ng mga estudyante ngunit kapag nasobrahan na ang paglipas nila ng kanilang oras sa mga Social Networking Sites, pumapasok na ang mga masasamang epekto ng mga ito. Sabi nga nila, “Take everything moderately.” Sa pamamagitan nito at ng paggamit nga mga Social Networking Sites sa tamang layunin, paraan, at oras ay maiiwasan ang masasamang epekto ng mga ito sa pag-aaral ng mga estudyante.