Bata pa lang ako,
paulit-ilit ko ng naririnig ang tungkol sa kababalaghang nangyayari sa simbahan
namin. Marami ng pastor ang dumaan sa amin na naeksperyensiya ng mga ganitong
bagay at pare-pareho lang ang naririnig kong kuwento mula sa kanila.
Isang gabi, mahimbing daw
ang tulog ng pastor sa parsonage nang magising siya ng isang ingay na nagmumula
sa loob ng simbahan. Bumangon siya para alamin kung ano ang ingay na iyon. Mula
sa maliit na butas ng bintana ng simbahan, sinilip niya doon kung ano ang nasa
loob nito.
Hindi siya makapaniwala sa
kanyang nakita. Isang lalaki na walang ulo ang naglalakad pababa sa hagdan ng
altar habang hila-hila nito ang kadenang nakagapos sa paa.
Ikinuwento niya ito sa
presidente ng aming simbahan kinaumagahan. Ngunit hindi ito naniwala sa kanyang
sinabi. Baka guni-guni lang daw niya iyon.
Nakaranas rin ang isa pang
bago naming pastor sa unang gabi niya sa simbahan. Pasado alas-diyes na raw.
Naghahanda na siya para matulog nang biglang may kung ano’ng bagay ang
napakalakas na humampas sa pintuan ng parsonage. Kumabog ng husto ang dibdib
niya. Nag-umpisang namuo ang takot sa puso niya. Wala siyang balak na buksan
ito kung sino man ang nasa labas.
Naghihintay siyang
hahampas ulit ito ngunit hindi na naulit. Pinabayan na lamang niya iyon at
humiga na lang. Nandoon pa rin ang pagkabahala niya.
Nakatulog na sana siya ng magising
siya ng mahinang katok mula sa pintuan. Bumangon siya para buksan ito ngunit
nagdalawang-isip siya.
“Sino ‘yan?” tanong na
lamang niya.
Ngunit walang sumasagot.
Muling kumatok na naman.
At doon na siya nagdesisyong buksan na lang ito.
Guide me, Lord! Sabi
ng isip niya.
Pagbukas niya ng pinto,
wala siyang nadatnang tao. Pero napasigaw siya nang may humagis sa harapan niya
ng isang duguang bibliya. Sa matinding takot, isinara niya kaagad ang pinto at
ini-lock ito.
Ikinuwento niya ito
kinabukasan sa amin pagkatapos naming magpraktis ng choir. Kasama ko ang mga
young people at ibang miyembro ng simbhan namin. Doon
ko na rin unang narinig ang tungkol sa nakita ng dati naming pastor. ‘Yong
pugot na humihila ng kadena.
Hindi lang ang mga pastor
namin ang nakakaranas ng ganitong mga kababalaghan dahil minsan ang kapwa ko
young people na si June (hindi tunay na pangalan) ay natulog sa parsonage. Wala
noon ang pastor namin, umuwi sa kanila. Nakahiga si June sa kama
ng isa sa kuwarto ng parsonage. Sumigaw siya ng sumigaw ng biglang gumalaw ang
hinihigaan niya. Parang nilalaro siya nito.
Matagal daw iyon bago
huminto. At dali-dali siyang lumabas sa parsonage at umuwi sa bahay nila. Hindi
na siya doon natulog sa parsonage.
May camp noon sa simbahan
namin. Nang gabing iyon ay nagme-meeting kaming mga officers nang makarinig
kami ng kung ano’ng ingay na nagmumula sa CR. Binaliwala lang iyon ng mga
kasama ko. Ngunit dahil sa pagtataka, pinuntahan ko ang CR ng mag-isa. Nakasara
ito. Kinatok ko kung may tao, pero walang sumasagot.
Tinulak ko ang pinto
ngunit hindi mabuksan, naka-lock yata.
Naghanap ako ng butas na
puwedeng masilipan ay may nakita ako. Sinilip ko ‘yon. Biglang nanginig ang buo
long katawan. Napakalakas ng kabog ng dibdib ko. Ang bilis ng panginginig ng
mga tuhod ko. Hindi ko magawang sumigaw dahil hindi ko magalaw ang
bibig ko. Nabalot ng lamig ang buo kong katawan.
Pagkasilip ko nakita kong
sumilip rin sa akin ang babaeng duguan.
Napag-usap na rin nab aka
hindi pa nabindensyonan ang parsonage naming kaya kung anu-ano ang mga
nagpapakita.