Thursday, April 05, 2012

Repost! From Saranggola Blog Awards



Nakatanggap ako ng email galing sa isang kaibigan tungkol sa patimpalak sa pagsulat ng "inspirational stories" ng PSICOM para sa buwan ng Marso. Kilala natin ang PSICOM sa kanilang mga aklat na SOPAS at True Philippine Ghost Stories. Ang mainit na pinag-uusapan ay ang kanilang Paraan / Patakaran sa Pagsali:

15. Deadline for submission of entries through e-mail will be on the eve of March 31, 2012. All entries will become the property of PSICOM Publishing Inc. and may be used for future publications.
16. All non-winning entries that will be published in future publications will have a compensation of P 700 cash. Payment will be given after publication.

Bilang tagapamahala ng Saranggola Blog Awards (SBA); munting patimpalak para sa mga blogger sa Pagsulat ng Tula, Maikling Kwento at Kwentong Pambata; nais kong ipahayag ang aking saloobin.

1. Bagamat natutuwa ako at mayroong lugar o "venue" ang mga blogger at baguhang manunulat sa tulong ng PSICOM, hindi naman ako sang-ayon na ang lahat ng mga likha ng mga manunulat; nagwagi man o hindi ay magiging pag-aari na ng PSICOM.

2. Hindi rin nakasaad kung may royalty kung sakaling ilalathala muli ang mga aklat. Sa karanasan ng ilang kakilala ko, walang royalty na nakuha nang maisama ang kanilang akda sa ilan nilang nailimbag na mga aklat. Mayroon pa ngang isang blogger na hindi nasabihan na ang kanyang pinadalang kwento ay nailimbag na.

3. Sadyang may mga manunulat na nais lamang nila na mailathala ang kanilang mga likha at hindi humihingi ng kabayaraan. Gayunman, bilang kabahagi at sumusuporta sa samahan ng mga manunulat at manlilimbag, nakikiusap ako sa PSICOM na mas lawakan ang suporta at mas maging magalang pa sa karapatan ng mga manunulat.

4. Sa mga manunulat at mga bloggers; basahing mabuti at unawain ang mga patakaran ng mga patimpalak upang maingatan ang ating karapatan. 

5. Kung ito ang patakaran ng PSICOM o ng iba pang may mga patimpalak,  wala naman talaga tayong magagawa para baguhin ito, maaaring sabihin na hindi naman tayo pinipilit na sumali dahil malinaw ang patakarang ito at hindi nila itinago. Ang sa akin lang, kung patuloy na tatangkilin ang ganitong sistema ng patimpalak, hindi ito mababago at hindi natin maiaangat ang ating karapatan.

6.  Bakit natin sila hahayaang kumita gamit ang ating talino at pagkamalikhain? Maaari tayong kumita gamit ang ating blog, marami ring publishing house na pwede nating lapitan at maaari rin na tayo ang magpalimbag ng sarili nating aklat.

7. Ang Saranggola Blog Awards ay patuloy na susuporta at gagalang sa karapatang-ari ng mga bloggers at manunulat. Kasama sa pagsuporta nito ang pangangalaga sa kalayaan ng mga manunulat na ipahayag ang kanilang saloobin sakaling nayuyurakan ang kanilang karapatan.

Ang blog ay nagbigay kalayaan, nag-angat ng galing at kumilala sa mga manunulat na marami ay hindi pinansin ng ilang mga publisher/publishing company, kaya nga marapat na alagaan at panatilihin nating buhay ang ating boses sa platform na ito.

Credit to: Bernard Umali

No comments:

Post a Comment