Monday, July 30, 2012

Bahala na si Batman

Isang common na kasabihan ng mga tao ngayon, lalo na kapag hindi na nila alam ang kanilang gagawin o kung aasa na lang sa pagkakataon. Sa tuwing tayo ay may mga pagsusulit, at hindi tayo nakapag-aral, “bahala na” ang ating naririnig. Kapag tayo’y sumusuko na at napapagod sa ating mga ginagawa, ang pariralang “bahala na” ay muli nating maririnig. Nakatanim na ito sa ating mga isipan, kung kaya’t naging pang-araw-araw na salawikain na natin ito.

Pero naisip ba ninyo kung bakit si Batman na lang palagi? Bakit hindi puwedeng si Superman? Si Spiderman? O si Wonder Woman? O di kaya si Ironman?

O di kaya locally. Bakit hindi, "Bahala na si Panday", o di kaya, "Bahala na si Darna"?

Siguro kung may totoong "Batman", magtataka ‘yon ng husto. Malamang ‘yan ay magtatanong ng ganito:

“BAKIT AKO NA LANG PALAGI? ANO BA ANG KINALAMAN KO DIYAN SA MGA PROBLEMA NINYO? BAKIT LAGI NA LANG AKO?”

Pero ang totoo, ang “Bahala na si Batman,” ay ibang paraan ng pagsabi na, “Ang Diyos na ang bahala.” Ang “bahala na” ay isang parirala na madalas nating marinig lalo na sa mga estudyante, tulad ko. Sa tuwing tinatamad na tayong mag-aral at gawin ang ating mga proyekto, at mga takdang-aralin, itong parirala ang lagi nating tugon. Kadalasan, kusa na itong lumalabas sa ating mga bibig kapag sa tingin natin ay sapat na ang ating nagawa. Ngunit ang hindi natin namamalayan, ito ay isang negatibong kaugalian na ating kinasasanayan.

Hindi ko sinasabi na isang masamang bagay ang pagtitiwala natin sa Diyos. Ngunit sa pagsabi ng “bahala na” ipinapakita natin na tayo ay nagpapaunlak sa ating sarili na gawin lamang ang kung ano ang kinakailangan at umasa na lamang sa hangad ng Diyos. Ipinapakita natin na tayo’y madaling sumuko, pinaghihinaan ng loob at wala ng pag-asa. Dito, natututo tayong maging tamad at pabaya sa ating pag-aaral. Nawawala na ang ating pangganyak na magsumikap para sa karagdagan. Iniisip na lamang natin na ang ating mga ginagawa ay lihis sa ating mga kamay.
 
Ngunit bago natin ipahayag ang salitang “bahala na” bakit hindi muna nating subukin tanungin ang ating sarili kung iyon na nga ba ang pinakamahusay na ating magagawa, o kung wala na ba talagang ibang pwedeng gawin na ikabubuti nito.


Wala tayong patutunguhan sa salitang "bahala na." Kaya kung hinahangad nating maging matagumpay sa hinaharap, gawin natin ang pariralang "bahala na" ang huling salita na ating isusumbat.

Thursday, July 12, 2012

WALA LANG: Ano Ba Talaga Ang Ibig Sabihin?




Ano nga ba talaga ang ibig sabihin ng "wala lang"?

Wala raw pero obvious naman. Dine-deny, pero totoo naman. It comes out natural. Intentions nito ay maganda naman daw.

Pero bakit "wala lang" ang sinasabi kahit meron naman talaga? Nahihiya? Natotorpe? Natatakot? Nakalimutan? Nagpapahabol? Nagpapakipot?

Wala lang, ngunit merong laman. Ambiguous, vague, malabo, mahirap maintindihan. Pero kung ikaw ang magsasabi ng "wala lang" sa kausap mo, ano ang ibig mong sabihin? Nakangiti, nakasimangot, kahit sa ano pa mang paraan, ang "wala lang" ay nagpapahiwatig ng kagustuhang may makasama, makausap, makapiling. Ano nga ba talaga? Wala lang. Wala.

"Would you rather confess your love and get hurt or would you keep it by yourself and continue to love but still get hurt?"

'Pag sinabi mo na mahal mo ang isang tao at pagkatapos, ikaw ay nasaktan, masarap ba ang feeling? O mas masarap ang magmahal na lang sa kalayuan at hindi maipagtapat ang nararamdaman? Parehong masakit. Parehong masarap. Pero kung titimbangin, ano nga ba ang mas masakit? You confessed, got rejected, got hurt. But the pain will go away, at least, nasabi mo. No regrets daw.

You decided not to tell, you will love her/him, but you will see her/him love another person and you get hurt. At least, mahal mo, kahit masakit, masaya naman siya. So, ano sa dalawa ang mas masakit? Wala. Masakit ang hindi magmahal. So, wala sa dalawa. Wala.

"What would be the greatest lie in the world?"

Sabi ng iba, destiny happens. Fate interferes. Liars. Believing that fate or destiny is controlling your life is a great big lie. It does not control us, we control it. It is us who decide what to do, what not to do. If someone falls in love, you are never meant for each other, unless you make it happen. Unless you decide to be destined with each other. Eh, pano kung namatay yung minamahal mo o nawala siya sa buhay mo? Still, it is in the person to decide whether to accept his loss or not. Doon sa naiwan na tao nakasalalay kung habang buhay ba siyang magkukulong sa pait at sakit. Choice niya yun. 'Ika nga: the man is the weaver of his soul. So ano ang sasabihin mo kapag nag-break kayo ng syota mo? Just say, "We decide we were never meant for each other."

Now, folks, this is the summary of this crappy piece of work:

"How will you know that you have fallen in love?"

Sa una, wala lang talaga. You deny na meron talaga. And when you get hurt, kasi meron siyang iba or you are afraid, kasi baka layuan ka, aba teka, pag-ibig na nga ba? That's the time you decide, kung in love ka na ba or hindi pa.

Nose-bleed si Ma'am



Sa isang private school.

At dahil nga private school, ingles ang karaniwang ginagamit ng mga estudyante sa kanilang pagsasalita. Saktong Filipino time ng klase. Pumasok ang gurong may suot na salamin sa mata.  Naabutan niyang nagchi-chismisan ang mga estudyante sa wikang ingles. Naasiwa ang guro sa kanyang mga narinig.

“Magsitahimik ang lahat!” seryoso ang pagkakawika nito at nagsibalikan sa kanya-kanyang upuan ang mga estudyante.  “Dahil Filipino ang aking asignatura, wala ni isa man sa inyo ang magsasalita ng ibang wika, maliwanag?” istriktang wika pa nito.

Tahimik ang lahat sa loob ng room. Hindi nagkikibuan. Ngunit biglang tumayo ang isang estudyante na halatang sa tingin pa lang ay may angking talino na. Nagsalita ito.
“Ang mga namutawi sa inyong mga labi ay mataman ko pong iimbak sa sulok ng aking balintataw, sa kaibuturan ng aking puso, gugunam-gunamin, aariing salik ng aba at payak kong kabatiran. Tatalikdan ang matatayog at palalong banyagang wika, manapay kakalingian, bibigkasin at sakdal timyas na sasambitin ng aking sangkalooban.”

Nagkatinginan sa isa’t isa ang bawat estudyante dahil namangha ang mga ito sa kanilang bagong kaklase. Gumuhit sa mukha nila ang ngiti.

Tapos na itong magsalita pero nanatili pa ring nakabuka ang bibig ng guro. Walang lumalabas na salita mula rito. Nose-bleed. Nagmistulang talon ang ilong nito sa malakas na pag-agos ng mapupulang dugo. Nagtawanan at nagpalakpakan ang buong klase sa loob ng classroom na iyon.

“SILENCE!” Galit na galit ang guro. Halatang napahiya siya kaya nakalimutan niyang magsalita ng wikang kailanman hindi niya pinahihintulutan sa kanyang asignatura. Ang wikang English.
Isa na sa mga bagay na hindi maaalis sa atin ay ang English. Ang english na simula noong tumapak ako sa eskwelahan ay ito na ang naituro sa akin. Mula sa mga simpleng pakikipagsalita gaya ng “Good Morning teacher, good morning classmates, how are you today?” At ang walang kamatayang, “Today is Tuesday, September 16, 2000.” Tapos niyan ay lilingon kami agad-agad sa langit sa labas at sabay-sabay kami magsasalita ng, “Today is sunny day”. Minsan, kapag hindi ko alam kung ano’ng weather, lip talk na lang ako.

Tapos, hayon unti-unti nang naglinaw ang mga mata ko sa english. Gaya ng mga subject, ang Science, Math, English, ay nasa salitang ingles. Mga subjects na kailangan pa ng mabuting comprehension, para mas maintindihan ang lesson. So, when I enter high school, hayon na. Nangangapa na. Subjects like Math, Science, English, kung saan mga subjects na majoring pa, isama mo pa ang Mapeh, Values, in contrast sa mga subjects na Araling Panlipunan, Filipino. Hayon, iyon lang ang subject na naituturo sa Filipino.

Minsan, ginagamit din ang ingles sa mga formal (daw) na mga transaction just like an interview, o approaching a higher people. Why simply because sa paningin ng ibang tao na ang taong marunong mag-ingles ay isang taong may mataas na antas na pag-iisip kahit na “Good Morning” lang naman din. Gaya ko, aminado akong naimpluwensiyahan ako ng lengwaheng ito, pero, kailangan eh. Ano magagawa ko? Naalala ko pa nga noong una sa aming debate session (trip lang ng aming teacher), nagsalita ako at fortunately nairaos ko naman na may panlilibak. “I GATE IT!” - I get it! Iyon lang naman ang aking nasabi.

Minsan pa rin, nalilito ako kung paano i-pronounce ang salitang ito--poem. May nagsabi na “poym”, meron din namang, “pom”. Actually hindi ko alam, kaya nga minsan ay natatakot akong magsalita kasi alam mo na ang ibang tao, masyadong particular sa “PRO-noun-CIATION”. Minsan din may mga words na mali pala ang interpretation. Gaya ng ‘siphon’. Inakala kong sipon ito, iyong sakit. Pero sa maniwala kayo't sa hindi, simple lang ang meaning nito. In short, straw. Iyong bent straw.

Marami talaga ang naimpluwenisyahan ang lenggwaheng ito na dala sa atin nina “Hey, Joe!” Oo, sa totoo lang, naimpluwensiyahan talaga tayo, at na-adopt din naman natin. Sabihin man nating we have already our independence, pero talaga nga bang malaya na tayo? O slave pa rin sa impluwenisya nina Joe?

Pero wala tayong magagawa. Ito ang call of nature. Kailangan makipagsabayan. Buti na lang ay kahit papaano ay nakakaintindi ako ng english. Iyong mga simple lang, hindi ko kaya noong mga dibdibang english. Minsan noong nanood ako ng DVD (iyong pirated kasi may subtitles para mas maintindihan) ay bigla akong nalito. Sabi ng bida, “Dude, get off from the plane.” Subtitles, “This is me?” Ano daw?
Pero magpagayunpaman, naniniwala akong malaki din ang ambag ng salitang ito sa pamumuhay ng tao sa buong mundo kasi it’s the universal language. Ang swerte ng mga kano at hindi na nila kailangan pang mag-aral ng bisaya, waray, ilonggo, ilocano, para lang maintindihan natin sila.

On the other side. Hindi naman ako naniniwala na kapag hindi ka marunong mag-ingles ay hindi ka na matalino, same as hindi naman lahat ng marunong mag-ingles ay matatalino rin. Sabi nga ng math teacher ko, “wala akong paki-alam kung ang pronunciation ko ay ‘ay-see-krayam’ - Ice Cream.” Tama! Hindi ka mamatay kung mali ang bigkas mo. Hindi ka rin ipapakulong kung hindi mo nasunod ang rule ng grammar. Ang buhay ay hindi palaliman ng english, kundi palaliman ng nalalaman.

“Why are you laughing? Am I wrong gramming?”


Sa Kapangyarihan ng Copy-Paste Project



Sa pagsulong ng teknolohiya ay kaalinsabay ng kaunlaran at ekonomiya. Kinalawang na ang mga makinilya at pinalitan ng mga makabagong kagamitan tulad ng laptop at desktop computers.

Ang mga binubukbok na mga libro ay wala na ring silbi dahil nandyan naman na daw ang internet. Hindi na kailangan magkandaduling sa paghahanap sa mga estante ng libro at mga pahina para makita ang hinahanap mo. Nandyan na kasi si Yahoo! at kaibigang Google. Mas pinapadali ang buhay ng mga estudyante, nagpapanggap na estudyante at mga propesyonal.
Sa eskwelahan hindi lang isa o dalawang project o assignment ang bubunuin mo para makakuha ng magandang grado. Ito ang madalas na reklamo ng mga nag-aaral lalo na ang mga nasa kolehiyo.

Meron major at minor na nagpapaka-major subjects. Pinapagawa ka ng research paper, term paper, essay o mga report. Wag mag-alala. Dahil prenteng maupo ka na lang at humarap sa computer. Puwera na lang sa mga book at movie reviews na kailangan ng opinyon mo o di kaya ay mga essay. Buksan ang koneksyon sa internet wala pang kapawis-pawis ay may ipapasa ka na para bukas. Bubuksan ang Microsoft Word. Copy. Paste. Print.

Mas madami ka ng oras para sa facebook i-check ang iyong mga tanim o ang pinapatakbo mong City. Sumulyap sa mga profile ng iyong crush o mga larawan ng mga kaibigan. O kaya naman ay mas marami ka ng oras para sa pustahan nyo sa online games mas nag-iinit ka pa nga sa pagpatay at mas matalas pa ang mata mo sa paghahanap ng kalaban kaysa sa kakatapos mo lang na project.

Pagpasok mo pare-pareho kayo ng gawa ng mga kaklase mo magtataka ka pa ba pareho kayong kumuha sa internet nagkakaiba lang sa font size, font style, disenyo, larawan kung colored at siyempre sa pangalan na nakalagay sa submitted by.
Impokrita ako kung sasabihin kong hindi ko ginawa yun. Hindi lang isang beses o dalawa kundi madami na dahil din sa katamaran at sa pagkakaroon ng mas mabigat na prayoridad sa ibang subjects.

Sino ba naman ang magbabasa noon o binabasa ba talaga ng professor ang pinasa mo? Okey na ito makapagpasa lang. Ganyan ang linya ko din dati na malamang naging linya niyo na rin.

Nagbago ito ng maranasan kong ihagis ng isang professor ang gawa namin lahat. Ibinalik sa amin ng may kulay pulang panulat. Naglitanya siya na maaari kaming kasuhan ng plagiarism sa ginawa namin. At kung gagamitan daw ito ng software, oo may software na maaaring makakita kung alin ang original at sa kinopya lang ay tiyak na mga ilan lang ang mga salitang original dito. Iba ang inaral sa binasa, iba ang inaral sa isinapuso at mas lalong iba ang isinapuso sa tinatak sa utak.

May nagbabasa ng wala din ang aral na naiwan. May inaral ng hindi isinapuso ang binasa. May isinapuso ang pagbabasa pero walang iniwang tatak sa utak kaya madali ding makakalimutan.

Maaaring may mga nagpapagawa ng project ng akala mo wala lang, walang kinalaman sa subject o walang kinalaman sa buhay mo o sa kursong kinukuha mo pero hindi lahat. May mga project na kahit walang kinalaman sa subject ay gusto lang ituro ng propesor na maging kritikal.

Matutunang mag-analisa. Matutunang magsuri. Matutunang magbuo ng mga salita, pangungusap at nga sariling likha mula sa pinagkunan. Dahil ito ang magiging bala mo sa tunay na mundo. Tandaan mo ang Google ay hindi kasing kahulugan ng research o thesis. Ngayon kung makakuha ka man ng mataas na grado sa pinasa mo pero copy-paste lang ano ang silbi kung wala ka ring natutunan?