Monday, July 30, 2012

Bahala na si Batman

Isang common na kasabihan ng mga tao ngayon, lalo na kapag hindi na nila alam ang kanilang gagawin o kung aasa na lang sa pagkakataon. Sa tuwing tayo ay may mga pagsusulit, at hindi tayo nakapag-aral, “bahala na” ang ating naririnig. Kapag tayo’y sumusuko na at napapagod sa ating mga ginagawa, ang pariralang “bahala na” ay muli nating maririnig. Nakatanim na ito sa ating mga isipan, kung kaya’t naging pang-araw-araw na salawikain na natin ito.

Pero naisip ba ninyo kung bakit si Batman na lang palagi? Bakit hindi puwedeng si Superman? Si Spiderman? O si Wonder Woman? O di kaya si Ironman?

O di kaya locally. Bakit hindi, "Bahala na si Panday", o di kaya, "Bahala na si Darna"?

Siguro kung may totoong "Batman", magtataka ‘yon ng husto. Malamang ‘yan ay magtatanong ng ganito:

“BAKIT AKO NA LANG PALAGI? ANO BA ANG KINALAMAN KO DIYAN SA MGA PROBLEMA NINYO? BAKIT LAGI NA LANG AKO?”

Pero ang totoo, ang “Bahala na si Batman,” ay ibang paraan ng pagsabi na, “Ang Diyos na ang bahala.” Ang “bahala na” ay isang parirala na madalas nating marinig lalo na sa mga estudyante, tulad ko. Sa tuwing tinatamad na tayong mag-aral at gawin ang ating mga proyekto, at mga takdang-aralin, itong parirala ang lagi nating tugon. Kadalasan, kusa na itong lumalabas sa ating mga bibig kapag sa tingin natin ay sapat na ang ating nagawa. Ngunit ang hindi natin namamalayan, ito ay isang negatibong kaugalian na ating kinasasanayan.

Hindi ko sinasabi na isang masamang bagay ang pagtitiwala natin sa Diyos. Ngunit sa pagsabi ng “bahala na” ipinapakita natin na tayo ay nagpapaunlak sa ating sarili na gawin lamang ang kung ano ang kinakailangan at umasa na lamang sa hangad ng Diyos. Ipinapakita natin na tayo’y madaling sumuko, pinaghihinaan ng loob at wala ng pag-asa. Dito, natututo tayong maging tamad at pabaya sa ating pag-aaral. Nawawala na ang ating pangganyak na magsumikap para sa karagdagan. Iniisip na lamang natin na ang ating mga ginagawa ay lihis sa ating mga kamay.
 
Ngunit bago natin ipahayag ang salitang “bahala na” bakit hindi muna nating subukin tanungin ang ating sarili kung iyon na nga ba ang pinakamahusay na ating magagawa, o kung wala na ba talagang ibang pwedeng gawin na ikabubuti nito.


Wala tayong patutunguhan sa salitang "bahala na." Kaya kung hinahangad nating maging matagumpay sa hinaharap, gawin natin ang pariralang "bahala na" ang huling salita na ating isusumbat.

4 comments:

  1. Tinamaan ako doon parekoy...kawawa naman tuloy si batman.. wasak na wasak.. hahahhaha... mahusay ka kapatid!....

    ReplyDelete
    Replies
    1. Samalat. Hindi lang naman ikaw tinamaan nito. Habang sinusulat ko ito, tinamaan na ako. Gano'n din kasi ako. :-)

      Delete
  2. ay bsta ako si Green Lantern sinisisi ko lagi hehe

    ReplyDelete
    Replies
    1. Si Green Lantern man yun o si Batman, pareho lang yun. Si God pa rin yung tinutukoy natin. hehehe...Peace. :-)

      Delete